Service Recognition Awardees, 2022
Response from Mr. Sabas "Jun" A. Ociones Jr., 25-year Service Recognition Awardee
Isang mapagpalayang araw po sa lahat. Sa ating butihing Chancellor Prof. Larry Digal, Vice Chancellor Karen Cayamanda, OIC Vice Chancellor for Academic Affairs Sir Leo Estaña..sa lahat po ng mga administrators, guro, REPS, mga estudyante,mga kasamang kawani, mga panauhin at sa lahat ng mga nakikiisa sa aming selebrasyon ngayon isang magandang araw po sa lahat.
Ikinararangal ko po na maging bahagi ako sa pagdiriwang sa ating ika-dalawampu’t pitong anibersaryo ng pagkakatatag ng UP Mindanao at mabigyan ng pagkakataon na maging tagapag-salita sa araw na ito.
Sa akin pong panunungkulan bilang kawani sa loob ng dalawampu’t – limang taon, ako ay nagpapapasalamat sa ating Poong Maykapal sa kanyang gabay at patnubay sa lahat ng aking mga naging gawain. Hindi po naging madali ang lahat, marami pong pagsubok, pagod at hirap ang pinagdadaanan ng isang karaniwang kawani na kagaya ko. Bukod sa kinakailangang pagsisikap sa mga gawain , kailangan din ang ibayong tiyaga at sipag upang malagpasan ang lahat ng mga naging hamon. May pagkakataon rin na halos ako ay sumuko sa mga pagkakataon na sinubok ang aking mga prinsipyo, ngunit dahil sa pagmamahal ko sa aking tungkulin ako ay nagkaroon ng lakas upang magpatuloy.
Malaki rin ang aking utang na loob sa ating dating Direktor for Administration, ang yumaong Dr. Rey Tusoy dahil siya po ang tumulong sa akin para makapasok sa Unibersidad. Ganoon din sa aking naunang supervisor at dating mga kasamahan sa opisina dahil sila ang kumalinga at gumabay sa akin upang magampanan at mas mahalin ang aking mga tungkulin. Tinanggap nila ang aking kakayanan at binigyan nila ako ng sapat na suporta at lakas upang tuluyan na makapagtapos sa kolehiyo habang nagtatrabaho.Kaya labis talaga ang aking pasasalamat noong nagbunga ang lahat ng aking mga pagsisikap noong ako ay mabigyan ng parangal sa aking Professional Advancement nong 2006. Ganoon din sa pagkilala sa aking kasipagan at ambag sa institusyon at nakatanggap rin ako ng parangal bilang Gawad Tsansellor Pinakamahusay na Empleyadong Administratibo Junior Professional Category utang ko ito lahat sa mga kasamahan ko sa opisina.
Nagpapasalamat din ako sa nabuong pagkakaibigan sa ibang mga kasamahan sa labas ng Supply Office, ang pagtanggap ninyo sa akin bilang inyong Tatay Jun ay nagsilbing inspirasyon upang mas magsikap na mapabuti ang sarili – pag repair, pagbuhat, paggawa sa inyong mga errands, maging pagtugon sa inyong mga requests na labas na sa gawaing pang opisina – masaya kong nagagawa ang lahat dahil sa binigay ninyo na paniniwala sa aking kakayanan. Sapat na sa akin na makatulong sa inyo.
Ganoon din ang aking pagpapasalamat na mabigyan ako ng pakakataon sa pamamagitan ng Unyon na maging bahagi bilang kinatawan ng ilang mga komite sa unibersidad kung saan ang isang kawani na may mababang posisyon ay nabibigyan ng pagkakataon na marinig ang boses at mapaniwalaan. Ito rin ang dahilan upang magkaroon ako ng mas malawak na pananaw at malalim na kamulatan dahil sa aking mga naging karanasan at pakikipag-ugnayan sa ibang mga kasamahan mula sa national at local chapters ng All UP Workers Union ng iba’t-ibang UP Constituent units.
Mahabang panahon na rin ang nilakbay ng UP Mindanao, malaki na rin ang naging pag-unlad nito.
Umabot rin sa mahigit na 22 years bago ako tuluyan na naging permanent. Sinikap ko na hindi ako panghinaan ng loob dahil sa aking work status kaya sa ibang mga kasamahan ko sana hindi din kayo mawalan ng pag-asa. Batid natin na may mga kasabayan pa rin ako na hanggang ngayon ay hindi pa rin naging regular. Ganoon pa man ay tuloy pa rin tayo sa paggampan ng ating mga tungkulin. Naalala ko ang sabi sa akin ng ating unang Chancellor, si Dr. Cuyno, lahat tayo ay may mahalagang papel na ginagampanan- staff, estudyante, researcher, guro, administrador - lahat may mahalagang ambag tungo sa kabuoang pag-unlad ng UP Mindanao. Kaya gawin lang natin ang lahat ng ating mga gawain ng buong-puso. Ang pinakamahalaga sa lahat ay maramdaman natin sa ating mga sarili na masaya tayo sa ating paglilingkod, may papuri man o wala, tahimik lang nating gawin ang lahat.
Kagaya ng ibang organisasyon, ang UP Mindanao ay hindi perpekto. May mga pagkakataon na may mga hidwaan, samaan ng loob at pagkakasalungat. Ganoon pa man, sa huli, tayo ay pinagbuklod ng iisang adhikain, ito ay ang malasakit sa UP naming mahal.
Sa aking pamilya, sa asawa ko at sa mga anak ko maraming salamat sa lahat ng suporta at pang-unawa na ibinigay ninyo sa akin.Naging matatag ako dahil sa inyo.Kayo ang aking sandigan at inspirasyon.
Isa po pala sa mga pinagpapasalamat ko sa UP Mindanao ay ang makapagtapos ang isang anak ko sa kursong Architecture ng libre bilang bahagi ng aking benipisyo bilang empleyado. Ito ay noong hindi pa po free tuition ang mga state universities.
Sa lahat ng aking mga kasama na nabigyan rin ngayon ng parangal at sa lahat ng mga dakilang saksi sa kasaysayan ng UP MINDANAO, Mabuhay po kayo!
Muli maraming salamat at happy 27th Founding Anniversary UP Mindanao.
Mapagpalang araw po sa lahat!