Madayaw News

Chancellor Murao's Message at the 28th Anniversary Celebration

Written by Rene Estremera on . Posted in Madayaw News

 

IMG 1166resize25

 UP President Atty. Angelo A. Jimenez, Ginang Charita Puentespina, mga panauhin, mga awardees, mga estudyante, kasamang guro, manggagawa, at mga kapwa kong lingkod-bayan, magandang umaga. 

Maligayang pagbabalik sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanao. Binubuksan natin ang taong ito, ang semestreng ito, na mas may tiwala sa ating kapaligiran at mas may pag-asa. Nakikita na natin, sa ating bawat pagbalik sa campus, ang dahan-dahang pagbalik sa normal ng mga kondisyon ng ating mga mag-aaral. 

Sa muli nating pagbabalik-kampus, asahan nating lahat ang isang espasyong handang tumanggap ng ibat ibang adhikain, na siyang isa sa mga pinakamahalagang katangiang taglay ng edukasyong nagmumula sa UP. Dito, malaya ang lahat upang ipahiwatig ang kanilang mga hinaing. Sapagkat, aanhin natin ang isang diplomang nagmumula sa UP kung hindi rin naman ito magagamit bilang gabay sa pag-unlad ng sarili nitong bayan at para sa kapakanan ng mamamayan nito. 

May ilang bagay kayong muling makikita sa pagbabalik natin sa kampus. Nais ko ring ipakilala sa inyo ang ating mga sisimulan ngayong taon upang magtatag ng isang espasyong nababagay sa pag-aaral ng ating mga estudyante.

 May mga karagdagang learning spaces na tayong nailagay sa iba’t ibang lugar ng campus tulad ng Atrium at CHSS Cultural Complex. Ang ating opisyal na kainan, ang Kalimudan, ay naaabot na rin sa wakas ng ating university internet connection. Ito ay palalawakin pa sa tulong ng internet cabling project ng IT Office. 

 Dahil na rin sa iba’t ibang pangangailangan sa pag-aaral, narinig natin ang hiling na madagdag ng oras para sa ating mga pasilidad. Ngayong semestre, ang ating University Library ay mananatiling bukas hanggang alas syete ng gabi. Inilunsad na rin ang Cafe Libro, isang proyekto ng Library para mas maging kalugod-lugod ang pamamalagi ng mga estudyante sa Library.

 Naiintindihan din natin ang mga suliranin sa transportasyon dito sa campus. Nailungsad ngayong araw ang Libreng Sakay sa tulong ng ating UPMin alumni, upang mabigyan ng ginhawa ang inyong paglalakbay sa campus sa pagbubukas ng semestre. Ang dalawang linggong libreng sakay ay iikot sa mga piling lugar sa campus tulad ng admin at kanluran o ang CSM.

(Read the English translation here.)

 Kaugnay sa usaping transportasyon, nais nating maisiguro ang kapakanan ng mga pasaherong sumasakay sa ibang sasakyang pampubliko patungo sa campus.  Pormal nating pipirmahan ang isang kasunduan kasama ang barangay Mintal upang maipatupad ang fare matrix para sa dalawang transport operators and drivers associations o TODAng umiikot sa ating pamantasan. Naghahanap tayo ng paraan upang ang mga masasakyan ng ating mga mag-aaral, guro, at manggagawa ay lehitimo at rehistrado.

Para naman sa ating mga estudyanteng naghihirap sa pagtustos ng kanilang pang araw-araw na pangangailangan, nais naming ipaalam sa lahat ang pagsisimula ng fundraising para sa proyekto ng Office of Student Affairs, ang isang dormer’s kitchen sa loob ng kampus. Ito ay magagamit ng ating mga dormers sa pagluto ng kanilang mga pagkain. Iminungkahe na rin namin sa proyektong ito ang pagkakaroon ng kitchen garden kung saan ang mga itinanim ng mga dormers ay kanila ring aanihin at makakain. 

Para na rin sa ating mga estudyante, guro, at manggagawa, sisimulan natin ang mga leadership at life skills programs. Layunin nitong makapagbigay ng life-long learning sa ating mga kapwa miyembro ng komunidad upang tayo ay handang harapin ang mga bagong hamon ng volatile, uncertain, complex, and ambiguous o VUCA world, sabay na ang Fourth at Fifth Industrial Revolution.

Ngayong taon, sisimulan din nating mapalawig at mahasa ang kakayahan ng ating mga information officers sa iba’t ibang opisina at proyekto sa ating campus. Magtutulungan tayong lahat upang mas mapaganda ang mensahe ng ating mga pagsasaliksik at pagkamalikhain sa unibersidad at mas mabigyan ito ng halaga ng mga komunidad na ating sineserbisyo. 

Bilang inyong ika-anim na Chancellor, tungkulin ko hindi lamang pangasiwaan ang kapakanan ng institusyong ito, kundi ipagpatuloy rin ang mga magaganda at makasaysayang nasimulan ng nakalipas na mga administrasyon at itataguyod ang mga sisimulan pa lamang para sa paglinang ng mga pangangailangan pang-Mindanao tulad ng pagpapatayo ng mga karagdagang kolehiyo sa larangan ng Human Kinetics, Medicine, at Engineering. 

Ang dalawamput-walong taon ng institusyong ito ay nakapag handog na sa taumbayan na ng tatlong libo, pitong daan, animnapu’t anim (3,766) na alumni sa mga larangan ng Architecture, Urban Planning, Agribusiness, Management, Communication, Literature, Social Science, Sports, Biology, Food Science, Computer Science, at Mathematics. Patuloy tayong maglulunsad ng mga programa na magbubukas ng mga oportunidad para sa mga mag-aaral mula sa mga katutubong pamayanan at mga lugar na di pa naaabot. Pagbubutihin pa natin ang ating akademikong programa sa pamamagitan ng Quality Assurance. Makikipagtulungan tayo sa mga internasyonal na institusyon upang makapaglunsad ng exchange programs na magpapalawak ng mga karanasan at kaalaman ng ating mga estudyante at guro. 

Ang UP Mindanao ay patuloy na kumikilos bilang bukal ng mga ideya at solusyon sa ating komunidad at lipunan. Sa larangan ng pananaliksik, itataguyod natin ang mga multidisciplinary at interdisciplinary research centers na tutulong sa pagbigay-tugon sa mga masalimuot na isyu ng lipunan. Makikipag-ugnayan tayo sa mga komunidad, lalo na sa BARMM at CARAGA, dalawang rehiyon sa Mindanao na ating natukoy bilang sentro ng ating serbisyo publiko. Kaagapay nito ang technology transfer at business incubation, kung saan ang mga sektor o komunidad ay makikinabang sa mga output ng teknolohiya ng unibersidad.

Magsusumikap tayo tungo sa pagpapabuti ng ating sistemang administratibo tulad ng pagpapatupad ng isang Quality Management System. Makikipagugnayan tayo sa UP System upang matugunan ang ating mga pangangailangan na plantilla items at regularisasyon ng ating mga manggagawa.

Lahat ng ating narating at lahat ng ating mararating ay posible lamang dahil sa inyo, mga kapwa kong lingkod bayan. Ngayong araw, bibigyan pugay natin ang ating mga guro at manggagawa bilang pagkilala sa kanilang natatanging serbisyo at panahong ginugol para sa ikabubuti ng pamantasang ito. Nakapaloob din dito ang pagkilala bilang frontliners sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, pati na rin ang kanilang loyalty at service award. 

May ilalalayo pa ang ating paglalakbay dahil na rin sa pagkakapit-bisig, hindi lang ng mga propesor, manggagawa, mag-aaral at alumni ng UP Mindanao, kundi dahil na rin sa aktibong suporta ng komunidad na siyang pangunahing layunin ng ating pagpupursigi.  

Maraming pagsubok pa ang nakaabang sa atin, ngunit tandaan natin na ito rin ang huhulma sa atin patungo sa inaasam-asam na kinabukasan- kung saan ang UP Mindanao ay maituturing bilang isang transformative university Naway panatilihin natin ang lagablab, nang sa gayon ay masaksihan tayo ng madla bilang isang sagisag ng liwanag.

Ang malig-ong panagdait ang magdala sa atoa padulong sa malungtarong panag-uban.

Maayong pagsaulog sa ika baynte otso nga anibersaryo, UP Mindanao!  Maayong adlaw sa inyong tanan. 

 

Lock full review www.8betting.co.uk 888 Bookmaker