Speech of UP President Atty. Danilo L. Concepcion at the 44th RAI
Speech of UP President Atty. Danilo L. Concepcion at the 44th Regional Alumni Institute
Senator Zubiri, the representative of Mayor Sara, Vice-Consul of the Peoples Republic of China, Regent Laserna, who is also the incumbent president of the UP Alumni Association, Regent Angelo Jimenez, who was also my former student, former chancellor Rey Velasco of UPLB who is also here, former chancellor Sylvia Concepcion, BOI governor Napoleon Concepcion, who is also an alumnus, Chancellor Larry Digal and officials of UP Mindanao, officials of the UP Alumni Association and UP Alumni Association in Mindanao, UP Mindanao Foundation president and Regional Alumni Institute chair Atty. Marie Dinah Tolentino-Fuentes, UP Mindanao vice-chair Mr. John Gaisano Jr, UP Mindanao Foundation chairman of the board Mr. Sebastian Angliongto, higit sa lahat ang aking, pong, butihing kabiyak Atty. Gaby Concepcion, nag-absent, po, siya sa Unang Hirit just to be with us, sa ating mga kasama sa university, mga alumni, mga kaibigan, magandang hapon, po, sa inyong lahat.
Ako ay lubusang nagagalak na tayo ay nagtitipon-tipon. Tayong lahat ay nagmamahal at nagmamalasakit sa UP, nagmamahal and nagmamalasakit sa Mindanao. Kung ang UP ay para sa bayan, bakit wala ang UP dito sa Mindanao kung saan may matinding kahirapan? Ito ang tanong ng ating mga alumni sa Mindanao noong dekada nobenta. Ito rin ang simula ng kanilang pagpagpapamalas ng pagmamahal at pag mamalasakit sa Mindanao. Mahalaga para sa kanila ang kahalagahan ng isang UP campus dito para maibsan kung hindi man tunay na mabawi ang kahirapan sa rehiyon. Tulung-tulong na nagkampanya ang ating mga alumni at mga mambabatas noon para isulong ang pagtatatag ng UP campus sa Mindanao. Bukod dito, nangalap din sila ng pondo para maitayo ang UP Mindanao Foundation na unang naglalayon na hikayatin ang UP faculty mula sa iba’t-ibang mga kampus na magturo dito sa UP Mindanao; nagbibigay na rin ng tulong pinansiyal sa ating mga mahihirap nga magaaral. Para sa lahat na bumubuo ng UP Mindanao Foundation kasama ang UP Alumni Association Davao Chapter na nag organisa ng ating pagpupulong o pagtitipon ngayon, tanggapin, po, ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat.
Tunay na malayo na ang narating ng UP Mindanao. Itong nakaraang buwan lamang ay pinasinayaan natin ang Philippine Genome Center Mindanao Satellite Facility. Sa tulong ng DOST at Monde Nissin may bagong equipment ang UP Mindanao Fermentation and Purification Laboratory na nagkakahalaga ng 12 milyong piso. Umani ng mga parangal ang mga propesor at magaaral ng UP Mindanao sa ika-siyam na health research and development expo.
Nagtamo ng 100% passing ang ating BS Food Technology nang pumasa lahat ng ating mga graduates na kumuha ng chemical technician licensure exam.
Marami pa, po, ang nasa aking listahan ng mga nagawa at naabot ng UP Mindanao; mula sa mga international conference at seminar, workshops ng mga departamento, mga libro at paglalathala ng ating mga faculty, mga infrastructure projects gaya ng Davao City-UP Sports Complex, hanggang sa mga pampublikong serbisyo ng ating mga magaaral, faculty, at mga kawani.
Sa katunayan, kabilang ang UP Mindanao sa Mindanao Earthquake Response Team na kasalukuyan ay nasa Makilala, North Cotabato, at nagbibigay ng serbisyong medical at psychological sa mga biktima ng nagdaang lindol. Katatapos lang din ang mga ginawang geological at structural assessments ng ating mga expert sa mga gusali sa Makilala, sa Cotabato.
Tunay na malayo na ang narating ng UP Mindanao. Ngunit malayo pa ang ating tatahakin. Kasunod, po, ay ibabahagi ni Chancellor Larry ang kanyang mga adhikain para sa UP Mindanao at ang mahalaga nitong papel sa kaunlaran ng rehiyon at maging sa buong bansa na rin. Sapagkat may obligasyon ang UP na paglingkuran ang buong sambayanan. Walang saysay ang husay at dangal kung hindi ito i-aalay sa sambayanan, lalo na sa ating mga hikahos na kababayan. Ang mandatong ito ang nagbibigay inspirasyon sa mga taga-UP na patuloy pang magpa-dalubhasa hindi para sa salapi at sa tagumpay bagkus para sa paglilingkod sa iba. Ako, po, ay lubusang nagagalak na makalipas ang mahigit na dalawang dekada, buhay na buhay pa rin sa UP ang pagmamahal natin sa ating pamantasan at ang ating pagmamalasakit sa Mindanao. Nawa’y panatiliin, po, nating nag-aalab ang pagmamahal nating ito sapagkat ang UP ay Universidad ng Pilipinas para sa Pilipinas.
Kaya lang, natalo, po, tayo sa nakaraang basketbol game. Alam ninyo, pag lumalaban tayo sa basketbol, sa championship, lahat, po, ng state universities and colleges sa Pilipinas ay kakampi natin. At lahat ng unibersidad sa Maynila, maliban doon sa ating kalaban, ay kakampi din natin. Pero dahil hindi tayo ang lumaban doon sa championship, hindi na, po, naging exciting ang championship. Exciting lang ang championship pag tayo ang lumalaban. Kaya lang, dahil matatalino ang mga estudyante natin, exempted lagi tayo sa finals.
Hindi man tayo number one sa basketbol, number one naman tayo sa ranking. Tayo nga lamang ang unibersidad sa Pililpinas na pumasok sa ranking. Bago ako pumasok ng panungkulan bilang pangulo ng ating unibersidad tayo ay nasa top 1,000. A year after, tayo’y nasa top 800. A year after, tayo ay nasa top 600. At ngayon tayo ay nasa top 500 na sa buong mundo. Hindi kasama roon ang iba pang mga eskwelahan. Sabi nga nila, manalo o matalo, UP pa rin tayo. Sila, others lang. Sa southeast Asia, dati tayo ay kulelat din. Dati rati siguro ang ranking nating diyan kung hindi pang labing dalawa ay pang sampu. Pero ngayong sa buong southeast Asia tayo ay number four na. Number one ang National University of Singapore. Parang UP-Ateneo yan, lampaso tayo niyan. Number two ang Namyang University sa Singapore, at number three ang Universiti of Malaya. Natanggal natin sa pwesto ang Chulalongkorn University, ang Baylor sa Indonesia, at marami pang unibersidad sa Singapore at Thailand.
Sa susunod na taon ay susuportahan natin na ang lahat ng ating reporma matutupad upang umunlad ang ating unibersidad sa ating pag-asa, tataas pa tayo ng mataas pa sa ranking natin sa buong mundo.
Mindanao. Ano, po, ba ang balak natin sa Mindanao? Nahuli man ang Mindanao sa pagkakalikha nito -parang pang-apat ata siya o pang anim ata siya na campus na ating naitatag outside Diliman-ay sisiguruhin natin na ang UP Mindanao ay hahabol sa development at baka nga malampasan pa ng UP Mindanao ang ilang pang mga CU na naunang itinatag sa kanya. Dito sa Mindanao ay itatayo natin ang College of Human Kinetics. Ang UP Mindanao ay pinaki-usapan ko na. Una kong pinaki-usapan nito si Chancellor Beng pero dahil natapos na yung term ni Chancellor Beng e di nalipat na yung aking paki-usap. Sabi ko lang paki-usap pero actually utos iyon. Utos kay Chancellor Digal na buo-in na yung curriculum para sa Bachelor of Science in Human Kinetics sa Mindanao at ilista na ang lahat ng pangangailangan upang ito ay atin nang maumpisahan.
Sa aking palagay kayang-kaya natin itong ipatupad next year. Next year dapat simulan na natin ito. Bakit kaya natin ito simulan next year? Kasi, po, ang president ng Pilipinas ay taga-Mindanao, ang chairman ng committee on appropriations sa House of Representatives ay taga-Mindanao, ang budget secretary ay hindi lang taga Mindanao, taga Davao pa. At ang ating magiting na senador sa congreso ay taga Mindanao. Si Senator Migz Zubiri ang akin, pong, number one na supporter sa Senado habang ang pinag-uusapan ay Mindanao, kasi parang siya lang ang UP graduate na taga-Mindanao. Si Koko nga pala who was also my student, kaklase ni misis.
At may balak din tayo, may plano tayo na makipag-tulungan sa Philippine Olympic Committee na pinamumunuan ng isang taga Mindanao, si secretary Butch Ramirez, na gawing national training center ng ating mga national athletes ang UP Mindanao sapagkat nandito na ang makabago at maganda na sports facilities. At nangako naman si representative Sid Ungab, who’s an alumnus of UPLB, na sinabi niya pagsisikapan namin sa three-year term namin ay makumpleto lahat ng pasilidad sa sports sa UP Mindanao. Sa susunod na mga araw, pupunta din dito ang mga manlalaro natin mula sa UP Diliman. Sila ay magte-train dito sa Mindanao siguro mga isa o dalawang buwan. Sapagka’t gagawin, po, natin itong National Sports Training Center.
Para ito ay matupad, kailangan natin ng additional facilities at unang una dito ay additional classrooms. Pangalawa, kailangan din natin ng dormitory facilities para sa ating mga atleta at ating magaaral. Nakita ko lang, po, ang suporta ng mga senador dahil humingi tayo ng pondo para magpagawa tayo ng Balay Atleta sa Diliman. Hindi, po, tayo nag dalawang salita. Binigay nila agad pero kailangan nating makita ito sa bi-cameral. Senator Migz, bantayan natin na hindi matanggal doon sa dagdag sa insertion yung 300 million para sa Balay Atleta. Hihingi din, po, tayo ng ganong halaga para sa Balay Atleta sa UP Mindanao.
Iyon, pong, iba pa nating mga balak, hahayaan ko nang si Chancellor Larry Digal ang mag-bulgar sa inyo. Marami pa, po, tayong balak sa Mindanao. At ako ay labis na nagagalak sapagkat ang mga dumalo pala sa tipon ngayong araw ay nagmula pa sa malalayong panig ng Mindanao. Ngayon ay bumabalik sa akin yung ating awit, “malayong lupain, amin mang marating, di rin magbabago ang damdamin.”
Magandang hapon, po, sa inyong lahat.